pananaw . saloobin . pangarap . kamalayan . TULOY PO KAYO .

Saturday, August 30, 2008

ang aral sa pag-aaral

"dalawang dekada ka lang mag-aaral. Kung hindi mo pagtitiyagaan, anak, limang dekada ng kahirapan ang kapalit. sobrang lugi. kung alam lang yan ng mga kabataan, sa pananaw ko e wala nang gugustuhing umiwas sa eskwela." - bob ong (macarthur)


dumaan lang yan dati sa paningin ko nung una kong mabasa ang librong yan (macarthur). nang balikan ko ngayon, parang biglang nagsisigawan ang bawat salita sa utak ko. halong pagsisisi at pagkwestyon sa sarili. tsk tsk. bakit bakit bakit?

tapos na ko ngayon ng 2-year course. pero kung iisipin, technically, di pa talaga ako graduate. sabi sakin nung una akong nag-enroll,"2 years lang tapos ka na, pwede ka na magtrabaho, pwede ka nang mag-ibang bansa." ang taas ng pangarap ko nung mga panahong yun, tutal gusto ko naman ang mga kursong may Arts, gusto kong matapos agad, ayoko ng nahihirapan, 2 years lang, ang galing. bahala na... go!

makalipas ang TATLONG taon...

teacher: "ano may trabaho ka na? ituloy mo na kasing mag-BS, mahihirapan ka mag-apply nyan."

naisip kong isang napakalaking katangahang pumatol sa patibong na yan sa mga ganoong kadahilanan. para akong nag-deal sa offer ni banker na piso kapalit ang surpresang laman ng briefcase (na naglalaman ng 2 piso). sayang. kung alam ko lang.

sabi ng iba, wag ko daw gawing hadlang ang dahilang yan para magkaroon ng trabaho at umasenso sa buhay. tama. kaya ginawa ko ang nararapat, naghanap ako ng maaapplyan. tama nanaman. requirements pa lang, lagpak na. BS BS BS BS. "dont call us we'll call you." ok po tnx.

may mangilan ngilan namang tumatanggap din ng mga katulad ko... ano? ang naglipanang Call Centers. isang beses kong sinubukang mag-apply kasama ang mga kaibigan, at doon ko nalamang kahit isang beses mo pa lamang subukan ang isang bagay, malalama't malalaman mo agad kung ito ay para sa iyo o hindi. at malamang... hindi nga ito ang para sakin.

kung tatanungin mo ko kung bakit hindi na lang nga ulit ako bumalik ng pag-aaral e ang masasagot ko lang ay... hindi ko alam. 3 taon ang nasayang ko. kahit isang taon lang, hindi ko na isusugal para dyan. kung sakaling gawin ko man, hindi na IT ang babalikan ko. at hindi rin malamang sa eskwelahang tatangay sayong mangarap para lang mapako sa sandaling gisingin ka na ng realidad ng mundo. mag-aaral ulit ako... sa paraang alam ko. kung saan matututo ako ng lahat ng dapat kong malaman. kung saan walang tama o mali, pero lahat ay leksyon na dapat isabuhay. kung saan enrolled ako mula nang ako'y ipanganak.

pero sandali, tama bang isisi ko na lang lahat sa iba ang kinahinatnan ko ngayon? syempre hindi. ako man ay may mga pagkukulang din. at ngayon, nais kong punuan ang mga pagkukulang na yun. maaari mong isisi sa kahit na sino o anong bagay na humadlang sayo noon kung ano ka ngayon, pero kung bukas ganyan ka parin, sariling hintuturo mo na ang tatapat sayo.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home