pananaw . saloobin . pangarap . kamalayan . TULOY PO KAYO .

Saturday, August 30, 2008

ang aral sa pag-aaral

"dalawang dekada ka lang mag-aaral. Kung hindi mo pagtitiyagaan, anak, limang dekada ng kahirapan ang kapalit. sobrang lugi. kung alam lang yan ng mga kabataan, sa pananaw ko e wala nang gugustuhing umiwas sa eskwela." - bob ong (macarthur)


dumaan lang yan dati sa paningin ko nung una kong mabasa ang librong yan (macarthur). nang balikan ko ngayon, parang biglang nagsisigawan ang bawat salita sa utak ko. halong pagsisisi at pagkwestyon sa sarili. tsk tsk. bakit bakit bakit?

tapos na ko ngayon ng 2-year course. pero kung iisipin, technically, di pa talaga ako graduate. sabi sakin nung una akong nag-enroll,"2 years lang tapos ka na, pwede ka na magtrabaho, pwede ka nang mag-ibang bansa." ang taas ng pangarap ko nung mga panahong yun, tutal gusto ko naman ang mga kursong may Arts, gusto kong matapos agad, ayoko ng nahihirapan, 2 years lang, ang galing. bahala na... go!

makalipas ang TATLONG taon...

teacher: "ano may trabaho ka na? ituloy mo na kasing mag-BS, mahihirapan ka mag-apply nyan."

naisip kong isang napakalaking katangahang pumatol sa patibong na yan sa mga ganoong kadahilanan. para akong nag-deal sa offer ni banker na piso kapalit ang surpresang laman ng briefcase (na naglalaman ng 2 piso). sayang. kung alam ko lang.

sabi ng iba, wag ko daw gawing hadlang ang dahilang yan para magkaroon ng trabaho at umasenso sa buhay. tama. kaya ginawa ko ang nararapat, naghanap ako ng maaapplyan. tama nanaman. requirements pa lang, lagpak na. BS BS BS BS. "dont call us we'll call you." ok po tnx.

may mangilan ngilan namang tumatanggap din ng mga katulad ko... ano? ang naglipanang Call Centers. isang beses kong sinubukang mag-apply kasama ang mga kaibigan, at doon ko nalamang kahit isang beses mo pa lamang subukan ang isang bagay, malalama't malalaman mo agad kung ito ay para sa iyo o hindi. at malamang... hindi nga ito ang para sakin.

kung tatanungin mo ko kung bakit hindi na lang nga ulit ako bumalik ng pag-aaral e ang masasagot ko lang ay... hindi ko alam. 3 taon ang nasayang ko. kahit isang taon lang, hindi ko na isusugal para dyan. kung sakaling gawin ko man, hindi na IT ang babalikan ko. at hindi rin malamang sa eskwelahang tatangay sayong mangarap para lang mapako sa sandaling gisingin ka na ng realidad ng mundo. mag-aaral ulit ako... sa paraang alam ko. kung saan matututo ako ng lahat ng dapat kong malaman. kung saan walang tama o mali, pero lahat ay leksyon na dapat isabuhay. kung saan enrolled ako mula nang ako'y ipanganak.

pero sandali, tama bang isisi ko na lang lahat sa iba ang kinahinatnan ko ngayon? syempre hindi. ako man ay may mga pagkukulang din. at ngayon, nais kong punuan ang mga pagkukulang na yun. maaari mong isisi sa kahit na sino o anong bagay na humadlang sayo noon kung ano ka ngayon, pero kung bukas ganyan ka parin, sariling hintuturo mo na ang tatapat sayo.

gusto kong maging writer

Mga ilang minuto lamang ang nakakaraan nang ang isang kaibigan ay nagmagandang loob para ako ay bigyan ng isang napakagandang oportunidad. Ayon sa kanya ang trabahong ito ay naaakma sa akin sa kadahilanang ito ang madalas ko namang ginagawa. Tinignan ko ito at pansamantalang ikinunsidera ang ideya. Hmmm, Home-based Essay writer…maganda nga naman. Pero… kaya ko kaya?

Ni sa hinagap ay di ko naisip na magiging writer ako. Mahilig lang ako magsulat. Pero sapat na ba yun para tawagin akong isang writer? Para sa akin, iba ang manunulat sa sumusulat. Ang manunulat ay yung mga taong gumugol ng ilang taon sa pag-aaral nito. Mga taong nakapaglathala na ng mga libro, sumusulat sa mga pahayahan, ginagawaran ng mga parangal, at kung minsan, sa kasamaang palad ay napapatay dahil sa mapusok na paglathala ng kanilang paninindigan. Yan ang MANUNULAT, isang malaking salita para sa akin.

Sa kabilang banda, ang sumusulat naman ay yung mga karaniwang taong bagamat di nagkaroon ng pormal na edukasyon sa ganitong larangan ay nagagawang lumikha ng makabuluhang talata gamit ang pinagsama samang mga salita. Kung tutuusin, lahat ng tao ay may kakayahang sumulat, pero hindi lahat ay manunulat.

Kung mali ang aking nasabing pananaw ay ikinararangal ko, dahil ang ibig lamang sabihin nito—ako ay isa nang manunulat. Salamat po.

Nung nasa elementarya ako, hindi ko kailanman nagustuhan ang mga subject na English at Filipino. Bakit? Dahil sa formal theme writing. Hindi ko alam kung bakit napakahirap para sa akin ang magsulat nung mga panahong yon. Marahil ay wala dun ang interes ko. O kulang ang kaalaman ko sa mga bagay bagay. O kaya naman ay hindi ako makapag-isip dahil nakakahon lamang sa isang topic na kadalasang binibigay ng guro ang aking isusulat. Kaya sa loob ng 30 minuto, nagpapanggap lang akong nagsusulat, na lumalapat ang bolpen sa papel. Ang totoo nyan, pault ulit na absdefghijklmnopqrstuvwxyz lang ang makikitang nakasulat dito.

Teacher: “pass your formal themes!”

Ako: [sabay tago ng formal theme sa bag]

Teacher: “meron pa ba?”

Ako: “wala na po!”

Teacher: “bye class”

Nung high school ko unang na-enjoy ang pagsusulat. Hindi ko alam kung tamad lang ba ko nung mga nakalipas na panahon at tila nag-iba ang ihip ng hangin pag tungtong ko ng high school. Linggo-linggo may journal kami kung saan required kaming magsulat ng kahit anong bagay na naisin namin. Pakwento kong isinusulat noon ang mga bagay na nangyari sakin sa buong lingo. “your writing is good”. Ito ang kaunaunahang pagkakataong makatanggap ako ng papuri mula sa aking guro pag dating sa bagay na ito. Hindi ako naniwala. Baka ang writing na tinutukoy nya eh yung pagkaka-lettering ko sa title nung pinasa kong journal. Pinagpatuloy ko lang ang pagsusulat hanggang sa ako ay tuluyan nang masanay sa ganoong pamamaraan.

Sa ngayon, mayroon na akong limang volume ng journal, higit sa sampung published blog (na isa na lamang ang natitirang buhay ngayon), at daan daang letters/notes na naipamigay sa mga kaibigan. Kahit kadalasan, walang katuturan. Hilig ko lang talaga ang magsulat. At kung tatanungin mo ko kung gusto kong maging trabaho, bayaran at tawaging manunulat, bakit hindi? Pero kung hindi man, kuntento na ko na ako’y sumusulat. Kung may magbabasa, mas lalong masaya. Magustuhan nyo man o hindi, salamat at pasensya sa oras na naaksaya. :)